MLG COLLEGE OF LEARNING INC.
Brgy.Atabay Hilongos,Leyte
Proyekto sa Filipino II
Personal na Sulatin(Gamit)
Pasalaysay(Anyo )
Ang Aking Pangarap
Lahat na naman siguro tayo ay
nangarap habang tayo ay lumalaki. Bawat tao sa mundong ibabaw ay nais makamit
ang kanilang inaasam-asam na pangarap sa buhay. Maaaring ito ay para sa sarili
mo, o di kaya ay para sa kapakanan ng iba. Marami sa atin ang pipiliin na ang
pangarap niya ay para sa kapakanan ng pamilya. Katulad ko, dahil ang nais lang
naman nating mangyari ay makamit ang ating pangarap na napakatagal bago pa
natin ito makamtan.
Ang aking pangarap sa buhay? Siguro katulad
lang din ng sa nakakarami, ang maiahon ko sa hirap ang aking pamilya. Masasabi
mo kayang ang pangarap ko ay aking pangarap o pangarap sa pamilya. Para sa akin
magkaparehas lang iyon. Nagsimula akong mangarap ng mamulat ako sa realidad na
palagi na lamang kaming nakikitira sa aming kamag-anak tipong hindi na kami
magkaroon ng sarili naming matitirahan. Hindi ka makakilos ng maayos sapagkat
wala kang pag-aari sa loob ng bahay na iyon kundi ang iyong sarili lamang.
Palagi ka na lamang sunud-sunuran sa iuutos ng iba para bang wala ka nang
karapatan tumangi. Hindi naman siguro masama ang makitira sa iyong kamag-anak
lalong-lalo na kung sila rin naman ang nagpaunlak na tumira ka sa kanila. Sa
isip-isip ko, kaya siguro kami pinatitira kasi wala silang mautusan pero sa
nangyari sa amin parang hindi naman siguro kasi tinatrato naman kami ng maayos
ng aking mga tiyahin at tiyuhin bagamat alam nilang kanila ang bahay parang
pinaaalam nila sa amin na itrato naming bahay ang kanilang bahay siguro ganoon
talaga kapag kamag-anak mo, may malasakit talaga sayo.Noong mga oras na
nakatira ako sa aking mga tiyuhin napagtanto ko ang kanilang mga personalidad
sa tagal na rin ng aming pagsasama. Maaaring sa paningin ng iba ay parang
mahigpit sa amin ang tiyuhin at tiyahin naming sa ngayon , masasabi kong tamang
disiplina lamang ang gusto nilang gawin. Kaya ko rin siguro napagtanto na ang
aking pangarap ay magkaroon kami ng aming pamilya ng sariling tirahan na
masasabi kong sa amin talaga. Sa totoo lang marami na akong pinangarap noong
bata pa ako pero aaminin ko karamihan doon ay pansarili lamang. Mabuti na lang
at habang lumalaki ako nalaman ko kung ano talaga ang nais kong kamtin na
pangarap at yun ay ang magkaroon kami ng aking pamilya ng sariling bahay.
Maaring sabihin ng iba , ang babaw lamang ng pangarap ko, pero para sa akin ang
makamtan ko iyon ay ang siyang bubuo ng aking pagkatao.
Maaaring sa ngayon ay nasa maayos kaming
kalagayan sa aming tinitirahan, pero hindi mo pa rin masasabi ang posibilidad
na darating din ang panahon kailangan din naman naming magkaroon ng aming sariling
tahanan. Hindi ako nangangarap ng isang mala-mansyong bahay , ang pinapangarap
ko lamang ay ang bahay na binubuo ng aking pamilya na masasabi kong isang
tahanan. At ‘yan ang aking pangarap.
-Dominique Correa Joya
BSIT-3
****
TumugonBurahin